JuLiE
Ang kulit-kulit na talaga ng gobyerno! Puro na lang pulitika, nakakarindi na! Nitong mga nakaraang araw eh puro issue ng destabilization plots ang lumalabas. Wiretapped phone conversations para patunayan ang pandaraya ni Gloria sa eleksyon (huuu, as if naman hindi rin nandaya ang kabilang kampo), pahayag ng mga ex-AFP officials laban kay Gloria, pagkuha ni Gloria ng suporta mula sa militar (may 'gathering' pa nga sila sa Malacanang 'di ba?), pagbigay ng suporta sa kanya ng PNP... got the picture?

Hindi naman kabigla-bigla kung marami na talaga ang dissatisfied kay Ate Glo. Pati ilang mga myembro ng administrasyon ay hindi na natutuwa sa pamamalakad nya. Paano pa kaya ang masa na lubos na biktima ng ganitong sitwasyon?

Tignan natin... isa siguro sa mga issue na malawak na tinututulan ng publiko ay ang nag-e-exist na oligopoly sa industriya ng langis. Sige lang sa pagtataas ng presyo ng gasolina. Ikaw, alam mo pa ba kung ilang beses na tumaas ang gas kamakailan? At syempre walang kontrol ang gobyerno dito dahil sa Oil Deregulation Law. Eh bakit nga hindi pa i-scrap ang crap na yan? Ang malala, kaakibat nito ay ang pagtaas ng pamasahe, ng bilihin at ng lahat-lahat na. Tapos sasabayan pa ito ng pag-apruba sa dagdag na VAT para maiahon daw sa fiscal crisis ang bansa. Consequence: higit na paglubog naman (may ilulubog pa pala) sa kahirapan ng karamihan ng mga Pilipino na ang survival ay on a daily basis (baka nga hourly na eh). Buti sana kung ang sahod ay tinataas din. Nasan na nga ba ang pinangakong wage increase para sa mga manggagawa noong Labor Day. Sabi na nga ba press release lang yun (o sige, nadagdagan daw ng bente pesos ang COLA ng mga manggagawa sa CAR at Reg3, 'yun lang ang nabalitaan ko eh).

Ang dagdag na VAT ay pandagdag sa pambayad utang panlabas ng bansa (ano ba, major percentage na nga ng national budget ay napupunta sa foreign debt servicing!) Kaya syempre tuwang-tuwa ang World Bank. Napakatuta talaga ng gobyerno. Pero may provision naman daw na ilalaan sa basic social services ang ilang parte ng malilikom mula dito. Wish ko lang. Baka sa bulsa ng mga dupang na pulitiko hindi pa kasya 'yun.

Speaking of basic social services, ang edukasyon na supposedly should have the highest priority of the government, e nabaliwala na naman (kelan ba hinde?). Nagkaroon nga ng pagbabawal sa tuition increase sa state colleges and universities pero hindi naman din dinagdagan ng budget (nabawasan pa nga eh). Sa private schools naman, nag-issue nga ang CHED ng bagong regulation sa tuition and other fee increases pero huli naman na ang lahat (kung kailan nakapag-enrol na ang mga estudyante). Labo.

Huwag din natin kalimutan na meron pang pending balikatan exercises in the next few months. At wait, nagkaroon pa ng bagong agreement ang AFP with the US pacific command kaya mukhang mas magtatagal pa ito.

At syempre kapag nagsalita ka laban sa kamalian ng pamamalakad ng gobyerno, tepok ka. Literal ha! Sino ba naman ang hindi matatakot kung nagkakaroon ng mass murder and harassment sa mga aktibista at mas pa sa mga journalists? Ayos. Tumitindi na talaga ang kontradiksyon. Papano pa kaya ang patuloy na militarisasyon na nagaganap sa kanayunan? Mga balitang hindi nilalabas ng mainstream media.. And wait! Idagdag mo pa dito ang National ID system na ang layunin daw ay sugpuin ang terorismo (na hindi pa rin nabibigyan ng malinaw na depenisyon) sa bansa. Pero in effect, isa itong pagkitil sa karapatang pantao. Kaya nga hindi ito naaprubahan ng supreme court noong panahon ni Ramos eh. Tapos ngayon, pinirmahan ni Gloria ang initial draft bilang executive order (para hindi na dumaan sa kongreso). Mautak ano po? Bakit hindi palakasin ang AFP para masugpo nga ang terorismo? Kung anu-ano kasi ang inaatupag eh. Resthouse sa Boracay? Duh!

Sa kabila ng lahat, may ambisyon pa ata itong si Gloria na magpatagal ng term. Nagpalabas sya ng pahayag na pag-uusapan ang issue ng charter change sa pagbukas ng sesyon sa senado. Isa sa proposal ay ang pagtanggal sa term limit ng mga tumatakbong pulitiko at syempre ang paglipat from a presidential form of government to parliamentary. Ibig sabihin ang mamumuno sa bansa ay hindi na pagbobotohan ng sambayanan kundi ng mga tao sa kongreso. Kaya naman matagal na itong pinaglalaban ni De Venecia, pano hindi siya manalo-nalo sa kasalukuyang sistema ng eleksyon. Hindi natin masasabi na ang kagustuhan talaga ng majority ang napapaupo sa gobyerno (syempre dayaan dito, dayaan dyan, may mga voters pa na hindi nag-iisip).Pero kung ipapaubaya na lang natin sa mga pulitiko ito, naku suicide na ata yun!

Hindi lang naman issue ng pagpalit ng form of government ang pumapaloob sa charter change. Kasama rin sa proposal ang pagpayag sa 100% ownership ng lupa, businesses at maski public services para daw maka-attract ng foreign investors... para daw makasunod sa call of globalization. Isa pa rin ay ang pagpapaloob ng mga provisions na magiging consistent sa war on terror ni Bush. Baka nga sa sinusulat kong ito eh mabansagan na rin akong terorista. Ang saya-saya.

Ngayon lang ay nagpalabas ng statement si Pimentel na kinakailangan nang mag-resign si Gloria dahil nawalan na sya ng kredibilidad para mamuno sa bansa. Ito na daw ang konstitusyonal na paraan para maisalba ang papalubog na gobyerno. Pero asa ka pa na magre-resign nga si Ate Glo!

May lumalabas rin na issue ng takeover plot na mag-cu-culminate sa Sabado. Ano, panibagong People Power na naman? Dahil marami na nga ang napipikon na kay Gloria hindi ito malayong mangyari. Ang People Power ay patunay lamang na kaya ng pinagsama-samang lakas ng sambayanan na magpatalsik ng pinuno na hindi na nagsisilbi sa interes ng nakararami.

Pero kung babalikan natin, ano nga ba ang magandang naidulot ng People Power? Si Marcos ay napalitan ni Cory, si Erap ay napalitan ni Gloria. Kung iisipin natin, pare-pareho lang naman ang mga yan. Magpapatalsik tayo ng presidente pero ang nakikinabang ay mga oportunista na wala rin namang inisip kundi ang kanilang personal na interes.

Dahil hanggat hindi nagbabago ang sistema ng lipunan, ang kurakot ay mapapalitan lang din ng mas kurakot. Ang bulok ay lalo lang mabubulok.

Hindi na nga sapat ang People Power.
0 Responses